Sep 21, 2010

ampalaya moment


Bitter ba ako kung sasabihin ko na secretly nagwi-wish akong madapa, mabilaukan, mabagsakan ka ng kung anu-ano?

Bitter ba ako kung sasabihin kong isinusumpa ko kayo ng girlfriend mo?

Bitter ba ako kung halos isang taon na mula ng umalis kay kumukulo pa din ang dugo ko kapag nakikita ka?

Bitter ba ako kung parang gusto kitang upakan noong bigla kang nagpakita sa anak ko at umalis ka din kaagad ng wala pa kayong limang minutong magkasama?

Bitter ba ako kung gusto kong ipa-hunting ka sa mga alipores ko matapos tanungin ako ng anak ko ng "asan ang tatay ko" pagkatapos ang 5-minute visit mo?

Kung oo, sige bitter na ako. Wala akong pakialam kung ako ang magiging pinakamapait na ampalaya sa mundo kung yan ang dahilan ng pagiging ampalaya ko.

Nakakatawa na isang taon matapos kang umalis, piliin ang buhay binata at sabihin na ako ang nagtulak sayo para lumayo; ay ako pa din naman pala ang sinisisi mo. Wala pang isang taon pero nagawa mong makahanap ng iba, makabuntis at ngayon ay dalawa na ang panganay mo.

Hindi madali ang recovery, kahit saang larangan o konteksto mo siya ilapat. Para ka ulit nagsimula sa pinaka-umpisa.  Positibo din naman ang recovery, dahil natuto ka at nagbabawi mula sa sandaling pagkabansot.  Pero ang dali mo naman atang naka-recover. Dahil dalawang buwan matapos nating lagyan ng comma (take note, hindi period, dahil ang usapan natin ay pipilitin nating maayos ang lahat) ang relasyon natin, naglimlim ka na kaagad sa ibang pugad.

Ang masakit pa nito, kinalimutan mo na din ata ang maging ama. Okaylang kung kalimutan mo ang pagiging asawa,tutal hind na naman tayo nagsasama. Pero ang kalimutan mo ang pagiging tatay mo at iwanan sa ere ang anak ko, ibang usapan yan. Pero tulad ng sinabi ko sayo dati. Hindi ko siya tuturuan na magalit sayo. Hahayaan kong madiskubre niya ang mga bagay-bagay sa sarili niya. Pero hindi ko din naman itatago sa kanya ang totoo.

Sinabihan na kita dati, wag mong kalimutan ang pagiging ama. Kilala kita, alam kong sa panahon na nandyan na ang pangalawa mong panganay mawawalan ka na panahon sa anak ko. Ngayon na nanganak na ang girlfriend mo, paano naman ang anak ko? Paano ko sasagutin ang mga tanong niya? Ngayon pa naman na marunong na siyang magtanong ng bakit.

Minsan hindi ko lang mapigilang magalit sa mundo, sa lipunan, at sa kulturang patriyarkal. Sa dulo, matapos ang lahat ng hinanakit at sama ng loob, pati na rin ang hindi maubos-ubos na mga sana, naisip ko na lang din na hindi ko din naman lubusang sisihin ang sarili at sige na nga, kahit ikaw.

Ang mga personal nating tunggalian ay pinagigting lamang din ang mga kultural na problema.  Pero hindi din naman tamang sabihin na ang kultura ang nag-iisang salarin sa nasisirang pagsasama.  Dahil sa panahong lumubog ang araw at tayo na lamang ang nasa loob ng kwarto, ang sarili pa rin ang magpapasiya.

Naalala ko tuloy yung sabing isang kaibigan, noong tinanong ko siya kung bitter ba ako.

“Hindi ka isang ampalaya. Bahagi yan ng growing-up. Dapat magpasalamat ka kasi naggo-grow ka pa. Atsaka digital na ngayon ang karma,” wika niya sa pagitan ng mga hithit- buga sa sigarilyo.

At naniwala ako sa kanya, hindi sa puntong digital ang karma, kundi dahil sa tingin ko’y isa akong puno ng saging na unti-unting sumusuloy. Kung sakali mang magkaroon ng bunga, hindi ko na kailangang ikalburo, dahil mataba ang lupang kinatatayuan ko.  Sigurado akong matamis ang bunga, hindi na at hindi ako magiging isang ampalaya. 


1 comments:

mye28 said...

It is to the credit of human nature, that, except where its selfishness is brought into play, it loves more readily than it hates. Hatred, by a gradual and quiet process, will even be transformed to love, unless the change be impeded by a continually new irritation of the original feeling of hostility.

nalagpasan mo na ang una
bakit kapa magpapa apekto ngayon
isipin mo ang kapakanan ng anak mo
wag mo ng ipilit ang ayaw dahil mas masakit sa part mo at ng anak mo
kung responsible yang hayuff na yan
gagawin nyang maging ama ng anak mo
have faith para sa anak mo
at always pray na maintindihan ng anak mo ang mga nangyayari....

myla

Post a Comment

Powered by Blogger.